Miyerkules, Marso 23, 2011

Paglalahad ng Sariling Pag-aaral Tungkol sa Kultura at Tradisyon ng Unibersidad ng Pilipinas at Unibersidad ng Sto. Tomas

              A.  Metodolohiya  

Maingat na sumangguni ang mga mananaliksik sa mga websites, mga balita sa telebisyon at dyaryo, at mga libro sa aklatan ng Unibersidad ng Sto. Tomas  (Miguel De Benavides Central Library).. Nagsagawa rin ng imersyon o pakikisalamuha sa iba’t ibang komunidad ang mga mananaliksik upang maranasan ang mga naiibang pamumuhay, kultura at tradisyon ng dalawang unibersidad. Nagkaroon din ng inquiry o impormal na pagtatanong sa limang mag-aaral at isang propesor sa bawat unibersidad na nabanggit. Gumamit din ng kamera, papel, bolpen, at mga tanong bilang mga instrumento ng pangangalap ng impormasyon.


      B. Paglalahad ng mga Nakalap na Impormasyon


1.       IMERSYON

Sa isinagawang imersyon ng mga mananaliksik noong ika- 11 at 18 ng Pebrero, at ika-4 ng Marso, 2011, masasabi talagang may malaking pagkakaiba ang UST sa UP. Isa na rito ang lawak ng kanilang kampus. Dahil sa halos kalahati o higit pa ang lawak ng UP kumpara sa UST,  mayroon silang tinatawag na “UP Ikot” ito ang mga dyip na umiikot sa loob ng unibersidad upang magsilbing isang paraan ng mabilis na transportasyon sa mga mag-aaral at maging sa mga propesor dito. Dahil isang pampublikong unibersidad ang UP, isa sa pinakamalaking bahagi na bumubuo sa populasyon nito ay ang mga kabataang mag-aaral na taglay ang mataas na lebel ng katalinuhan, ngunit salat o walang sapat na pera upang makapag-aral sa mga pribadong unibersidad. Samantala, ang UST naman na isang pribado at katolikong unibersidad ay binubuo ng mga mag-aaral na ang lebel ng pamumuhay ay kasama sa sinasabi nating average at mayayaman. Kung ikukumpara ang UP sa UST sa aspetong pangrelihiyon, napakalaki ng gap nito sa isat’-isa. Pareho silang mayroong tig-isang chapel sa loob ng kampus para sa mga Katoliko, ngunit mayroon lamang ibinibigay na sapat na oras ang chapel sa UP para sa mga taong gustong dumalaw at makinig ng misa. Samantala sa UST, hindi nawawalan ng mga tao sa loob, at bukas ito mula umaga hanggang gabi. Karamihan ng mga mag-aaral sa UST mga Romano Katoliko. Sa isang tabi, sa UP napakarami ang mga mag-aaral na nabibilang sa ibang relihiyon at paniniwala. Makikita rin sa kanilang mga dress codes  ang pagkakaiba ng dalawang unibersidad na ito. Dahil sa isang malayang unibersidad ang UP, wala silang uniporme. Kung baga masusuot mo lahat ng naisin mo basta’t hindi ito kamali-malisya. Sa kabilang banda naman, ang mga estudyante ng UST ay obligadong magsuot ng uniporme depende sa kolehiyo na kanilang kinabibilangan. Ang UST din ay isang “smoke-free campus”, samantalang ang UP naman ay hindi. Dito makikita na mas  malaya ang mga mag-aaral sa UP. Isang patunay nito ay ang pagkakaroon ng mga “rally” at papalaking numero ng mga aktibistang taga-UP. Samantala, ang UST ay isang mahigpit na unibersidad na nagbibigay halaga sa kanilang mga polisiya. Hindi rin gaanong radikal ang mga Thomasian kung ikukumpara mo sa mga tinaguriang “iskolar ng bayan.” Kagaya ng ibang uniberisdad sa Pilipinas may kanya-kanyang mga sikat na kainan ang UP at UST na talaga namang kanilang ipinagmamalaki. Kaya sa pagsagawa ng emersyon ng mga mananaliksik hindi nila ito pinalagpas. Ilan sa mga ito ay ang Rodic’s, Mang Larry’s, ROC (Restaurant of Choice), Chocolate Kiss at Myrna’s Ice cream ng UP, Mang Tootz, at ang mga food stalls sa Asturias at Dapitan ng UST. Masarap at talagang nakabubusog ang mga lutong bahay ng Rodic’s, lalong- lalo na ang kanilang tapsilog. Sa kabilang banda, hindi talaga maipagkakaila ang masasarap na pagkain sa Mang Tootz, lalong-lalo na ang kanilang sikat na banana-ram-a at mga lutong bahay na abot’ kaya. Sikat ang Mang Larry’s sa kanilang isaw, at mga street foods na talagang swak sa badyet at binabalik-balikan ng mga mag-aaral, propesor at maging ng mga  turista. Mas marami ring mga gusali sa UP, Diliman kumpara sa UST. Kahit na pereho silang “open university” hindi pa rin basta-bastang makakapasok ang mga hindi mag-aaral o kawani ng unibersidad kung wala silang sapat na rason sa UST. Sa isang tabi kahit sino ay pwedeng makapasok sa UP, sa katunayan naobserbahan din ng mga mananaliksik na marami ang mga kabataang nangongolekta ng mga bote at mga nanglilimos ang nakakapasok sa UP.








            

2.       INQUIRY     
a.       Inquiry sa Limang Mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas

 

          Ayon sa mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, ilan sa mga kilalang atraksyon sa kanilang unibersidad ay ang Oblation, Sunken Garden, Palma Hall, Carillon Tower, Mang Larry’s Isaw, Acad Oval, Quezon Hall, UP Theater at ang UP Film Institute. Sa kabilang banda naman, ang  mga selebrasyon na taunang nagaganap at talagang pinaghahandaan ng UP ay ang Oblation Run, UP Fair, Diliman Month, at ang Parolan (Lantern Parade). Ilan din sa mga organisasyon na binanggit ng mga mag-aaral na aming natanong ay ang USC (University Student Council) na nagoorganisa ng mga extracurricular activities sa buong unibersidad, ang STAND-UP, KAISA, ALYANSA, APO, at CHEMJOC. Nang itinanong din ng mga mananaliksik sa mga mag-aaral kung bibigyan nila ng marka o grado ang mga pasilidad, ang nakuhang marka para sa kabuan ay 5.8. Samantala, nang pinalarawan ng mga mananaliksik ang kanilang unibersidad pagdating sa uri ng mag-aaral, kakayahang pang-akademya, kultura, pasilidad, pamamalakad ng mga organisasyon, mga selebrasyon at mga propesor ito ang kanilang nakuhang mga sagot. 

Uri ng mag-aaral
matalino, radikal, masisipag, “open-minded”, may kalayaan, at kakaiba 
Kakayahang pang-akademya
nangunguna, magaling, mahalaga sa mundo, at  tunay na maipagmamalaki
Kultura
iba-iba, open-minded, liberated, at free-thinkers
Pasilidad
luma, “well-utilized”, may kasaysayang nakakubli, kulang pero may mga bagong pinapatayo at inaayos
Pamamalakad ng mga organisasyon
organisado, bigatin, maayos, at epektibo
Selebrasyon
masaya, televised, buhay na buhay, magulo, bonnga, makulay, at maipagmamalaki
Propesor
wala masyadong “personal attachment” sa mga estudyante, magagaling, matatalino,  kwela, mababait, open-minded, at cool




b.       Inquiry sa limang Mag-aaral ng Unibersidad ng Sto. Tomas    

     
           Kagaya ng UP, may mga ipinagmamalaki ring mga atraksyon ang UST. Ayon sa limang mag-aaral na aming natanong ilan sa mga ito ay ang Main Building, UST Museum, Lover’s lane, Arch of the Century, Quadricentinneal Park, Tinoco Park, Tan Yan Kee Building, Miguel de Benavides Library, at ang mga floats at fireworks tuwing may mga selebrasyon gaya ng Architeture Week at Paskuhan. Ang mga selebrasyon naman na taunang nagaganap sa UST ay ang, Paskuhan, Freshmen Walk, Job Fair, Org Fair, at ang buong linggong selebrasyon ng iba’t-ibang kolehiyo sa UST. Ilan din sa mga organisasyong kanilang nabanggit ay ang YFC (Youth For Christ), na nagbibigay serbisyo para sa Diyos, SOCC , ang sinasabing umbrella organization ng UST, TOMCAT, APO,Red Cross, Yellow Jackets, at ang UNICEF. Nang tinanong  naman ng mga mananaliksik ang mga pasilidad sa kanilang unibersidad sa pamamagitang ng pagbibigay ng marka mula 1 (pinakamababa) hanggang 10 (pinakamataas), 8.2 ang grado na nakuha ng UST. Sa kabuuan, nang ipinalarawan ng mga mananaliksik ang kanilang unibersidad pagdating sa sa uri ng mag-aaral, kakayahang pang-akademya, kultura, pasilidad, pamamalakad ng mga organisasyon, mga selebrasyon at mga propesor ito ang kanilang nakuhang mga sagot.

Uri ng mag-aaral
magaling, halo-halo, committed, magalang, Thomistic, at holistic
Kakayahang pang-akademya
may ibubuga, competitive, mahusay, at mataas ang kalidad
Kultura
maka-Diyos, universal, madaming polisiya at batas, at high-context culture
Pasilidad
maayos, at katamtaman
Pamamalakad ng mga organisasyon
maayos, epektibo, organisado, at matino
Selebrasyon
nakamamangha, bongga, masaya, at maraming mga “activities” at pakulo
Propesor
may sapat na kakayahang magturo, may kredibilidad, mahigpit, weird, competent,  at maunawa



c.      Inquiry kay Ginoong Alvin Joseph J. Tang, isang guro ng UP, Diliman

Upang maunawaang mabuti ang kultura ng Unibersidad ng Pilipinas, nagsagawa rin ng isang impormal na pagtatanong ang mga mananaliksik sa isang guro ng UP, si G. Alvin Joseph J. Tang.

         Ano po sa tingin ninyo ang mga bagay na maipagmamalaki ng inyong unibersidad?
magaling na mga guro at magandang curriculum
         Ano naman po ang masasabi ninyong kahinaan nito?
mahinang pondo
        Anu-ano naman pong mga selebrasyon ang masasabi ninyong talagang pinaghahandaan ng buong unibersidad?
Lantern Parade (Parolan)
         Sa kabuoan po paano ninyo mailalarawan ang inyong unibersidad agdating sa:
a.       mga mag-aaral                                     
b.      kapwa propesor
c.       mga selebrasyon
d.      mga pasilidad
e.      kakayahang pang-akademya
f.        kultura at mga tradisyon



     a.      mayayabang ngunit magaling.
     b.      magagaling
         c.       minsan masyadong engrande
     d.      kulang at luma
     e.     sa kabuuan magaling ang UP
         f.  diverse ang kultura at tradisyon,  dahil galing sa iba’t-ibang lugar ang mga mag-aaral at maraming organisasyon na iba-iba ang interes.



d.       Inquiry kay Prop. Daniel D. Vicario, propesor ng Kolehiyo ng Agham ng UST

Nagsagawa rin ang mga mananaliksik ng isang inquiry o impormal na pagtatanong kay Prop. Daniel D. Vicario, ng UST.

          Ano po sa tingin ninyo ang mga bagay na maipagmamalaki ng inyong unibersidad?
kasaysayan, lokasyon at kalidad ng edukasyon
          Ano naman po ang masasabi ninyong kahinaan nito?
Pagdating sa Agham at Teknolohiya kulang ang mga pasilidad ng UST. Masyado rin itong tradition-oriented pagdating sa edukasyon at pamamahala.
         Anu-ano naman pong mga selebrasyon ang masasabi ninyong talagang pinaghahandaan ng buong unibersidad?
Mga religious celebrations gaya ng Paskuhan, at ang mga makasaysayang mga selebrasyon.
         Sa kabuoan po paano ninyo mailalarawan ang inyong unibersidad agdating sa:
a.       mga mag-aaral

b.      kapwa propesor





c.         mga selebrasyon    

d.        mga pasilidad





e.       kakayahang pang-akademya
f.           kultura at mga tradisyon



     a.       mababait, masunurin, matatalino at magagaling
     b.      Karamihan sa kanila ay relihiyoso, magalang, at authorative. Competent nga lahat, pero meron din namang iba na parang hindi epektibo ang stratihiya ng pagtuturo.

      c.         Magastos at disruptive sa klase kaya minsan nahuhuli ang mga lessons.
      d.      pagdating sa mga silid-aklatan, silid-aralan, at mga kagamitan sa pagtuturo, ok kumpleto, ngunit pagdating sa mga laboratoryo at mga kagamitan dito hindi gaanong moderno at kumpleto

     e.       kasing galing ng UP at Ateneo
     f.         strikto ang mga batas at polisiya, napakarelihiyoso at talagang binibigyan ng halaga ang kasaysayan ng UST


             C.  Kongklusyon


    Mahihinuha mula sa nakalap na mga impormasyon ng mga mananaliksik, talagang may malaking pagkakaiba ang UP sa UST lalong-lalo na sa kanilang mga kultura at paniniwala. Ilan sa mga aspetong ito ay ang relihiyon, mga tradisyon, pamamahala ng administrasyon ng unibersidad, uri ng mag-aaral, mga batas at polisiya, pamumuhay ng mga mag-aaral,  at mga selebrasyon. Ang UST ay isang unibersidad na relihiyoso na halos lahat ng mga selebrasyon dito ay may kaakibat na religious at tradisyonal na paniniwala, samantalang ang UP ay may malaking pagpapahalaga sa kalayaan at kakayahan ng kanilang  mga mag-aaral,  na pamunuan at makapag-isip ng mga makabagong selebrasyon sa kanilang unibersidad. Isa rin ang UST sa pinakastriktong unibersidad dahil sa sobrang pagpapahalaga nito sa kanilang mga polisiya at batas na ipinatutupad. Sa kabilang banda naman, ang UP ay isang malayang unibersidad.  Dahil, karamihan sa mga mag-aaral ng UST ay Katoliko, isa sa mga katangian ng mga estudyante dito ay ay pagiging relihiyoso, tahimik at pagiging masunurin. Ang mga mag-aaral ng UP naman ay kilala sa kanilang katalinuhan, pagiging independent at malaya, at ang iba naman ay kilala sa kanilang pagiging aktibo sa mga rally na bumabatikos sa pamahalaan. Isang pribadong unibersidad ang UST kung kaya’t karamihan pa rin ng mga mag-aaral dito ay nabibilang sa naka-aangat  na lebel ng buhay.  Dahil sa isang pampublikong unibersidad ang UP, ang mag-aaral dito ay talagang tinatawag na “Iskolar ng Bayan”, karamihan sa kanila ay hindi kabilang sa sinasabing upper class o yaong mga naka-aangat sa buhay.

Mayroon din namang pagkakapareho ang UST at  UP. Pareho nilang pinahahalagahan ang kali- dad ng edukasyon na kanilang ibinibigay sa mga mag-aaral, kung kaya’t sinisigurado nila na magagaling at competent ang mga propesor at gurong sa kanilang unibersidad. Hindi rin nagkakalayo ang pamumuhay sa dalawang unibersidad na ito. Kahit isang pribadong unibersidad ang UST at isang pampublikong unibersidad ang UP, ay mga mag-aaral dito ay parehas ang hanap pagdating sa aspeto ng pagkain, masarap ngunit abot-kaya ng badyet. Kung kaya’t maraming mga kainan at food stalls ang mahahanap sa mga unibersidad na ito. Pareho ring kinakaharap ng UP at UST ang problema sa kanilang mga pasilidad lalong-lalo na pagdating sa kanilang mga laboratoryo. Hindi rin nagkakalayo ang kakayahan ng UP at UST pagdating sa akademya, sapagkat kagaya ng ibang mga unibersidad may kanya-kanyang expertise ang UP at UST.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento